“Uwaaaa… uwaaaa…” ang siyang bukambibig ng bawat sanggol sa mga unang segundo ng pagkamulat nila sa ating mundo. Iisang tinig na humihingi ng pag-unawa. Iisang wikang nauunawaan ng madla.
Ngunit tuwing bibigyang tugon…
“Shhhh….”
…iba’t ibang boses, iba’t ibang salita ang maririnig…
“Kaluguran cung anak.”
“Palangga ko nga unga.”
“Gihigugma nakong anak.”
“Mahal kong anak.”
…iisa man ang kahulugan.
Sa pagsilang pa lamang, naitatalaga na ang wikang siyang hulmahan ng sistema ng mga representasyong gagalawan ng isang tao. Iba-iba ang sistemang kinagigisnan depende sa lugar ng kapanganakan sapagkat may natatanging kulturang umiiral.
Kung tutuusin, ganito rin ang sitwasyon ng anumang disiplina. Naiimpluwensiyahan ang mga ito ng pinagmumulan at hinuhubog ng nararanasan. Higit na matingkad ang naturang kalagayan sa partikular na mga larangan, gaya ng agham panlipunan, kung saan tao mismo ang siyang pinagtutuunan ng pansin. Sa paglalayong ganap na maunawaan ang mga tao, hindi maiiwasang makibahagi sa buhay nila, ngunit may kapalit ang kaliwanagang dulot ng ganitong pakikisangkot. Minsan nanlalabo ang paningin at nakakalimutan ang nakikita. Minsan nagiging makasarili at nawawalay sa ibang mga kasama. Ang mga ito ay kasalukuyang mga sakit ng disiplinang Sikolohiyang Pilipino.
Noong sinimulan ni Dr. Virgilio Enriquez ang pag-aaral ng disiplinang tinagurian niyangSikolohiyang Pilipino (SP), minithi niyang maunawaan ang mga damdamin, kilos at kaisipan ng kapwa niyang mga Pilipino. Sinimulan niya ito sa pag-aaral ng wikang pambansa at ng ilang mga katutubong wika, at mula sa kanyang pagsusuri, nagmungkahi siya ng mga konseptong maaaring pag-aralan ng ibang mga sikolohistang Pilipino.
Sa kasalukuyan, hindi maipagkakailang dumami na at dumadami pa ang mga pag-aaral na isinasagawa tungkol sa SP, subalit kapansin-pansin ding madalas na nakatuon ang mga pag-aaral na ito sa katagalugan. Kung hindi man, inilalapat ng mga ito ang mga nakamulatang mga dalumat, na kalimitang hinango sa wikang tagalog, sa pagsusuri ng ibang mga katutubong pangkat.
Hindi maaaring ipagkait ang kahalagahan ng wika bilang balangkas para sa mga paksang pinag-aaralan. Kinakailangan lamang mag-ingat sa paggamit nito sapagkat itinatakda nito ang kahulugan ng mga konseptong sinasaliksik. Kung magpapakulong ang SP sa wikang nakasanayan, siguradong matitigil ang pag-unlad nito. Siguradong mawawalan ito ng kinabukasan.
Higit pa sa epekto ng wika sa pag-aaral, nagkakaroon din ito ng epekto sa mga mag-aaral. Hindi pare-pareho ang antas ng kakayahan ng mga sikolohista sa paggamit ng wikang Filipino ngunit nagpupumilit pa rin ang SP na panatilihin ang diskurso sa naturang wika. Dahil dito, hindi man niya sinasadya, tinatakwil niya ang mga iskolar na may maiaambag sa pagpapayaman sa kanya. Kung iisipin natin, isa itong malaking kabalintunaan sapagkat sinusulsulan ng disiplina ang mismong estadong tinutuligsa nito.
Makitid. Mapanghati. Ito ba ang Sikolohiyang Pilipino na nais nating ipamahagi sa mga sumusunod na henerasyon?
Marahil ay oras na para balikan nito ang pangarap na pinagmulan nito. Oras na para tandaan ang layunin noong pagtatag nito. Panahon na para hanapin ng SP ang kahulugan nang pagkabata…
Ang kahulugan ng Pilipino.
Nicolas Santi
Bukbok
UP Buklod-Isip